Ang proyektong Sagisag Kultura ay bahagi ng programa ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa edukasyong pangkultura ng mga Filipino. Sa nakaraang ilang taon ay tinipon ng NCCA ang umaabot sa 8,000 sagisag kultura o cultural icons mula sa mga impormant na guro at manggagawang pangkultura sa iba’t ibang rehiyon at probinsiya ng Filipinas. Mula sa naturang koleksiyon at batay sa ibang reperensiya ay pumilì naman ang isang grupo ng eksperto sa kulturang Filipino ng umaabot sa 2,000 pambansang sagisag kultura upang maigawa ng kaukulang pakahulugan at paliwanag at magamit na sanggunian ng mga guro at estudyante sa buong bansa. Yugto-yugto ang naging pagsasapubliko ng mga pambansang sagisag kultura. Nagsimula ang publikasyon sa unang 800 ng itinuturing na pangunahing pambansang sagisag kultura noong taóng 2011, idinagdag kaagad ang ikalawang pangkat na 600 noong taóng 2012, at sinundan sa taóng 2013 ng hulíng pangkat na 600 na kumompleto sa kabuuang 2000 pinakamahahalagang sagisag kultura ng Filipinas.
Ang kabuuang proyekto ay
isang registry o listahan ng mga
sagisag kultura ng Filipinas, at ang ibig sabihin, ito ay patuloy na nakabukás
sa pagdaragdag at pagbabawas ng bilang kung kailangan. Sa katunayan, marami
nang naging pagbabago sa binuong 2,000 sagisag kultura noong 2013. Dahil sa mga
natanggap na komentaryo mula nang ipakita sa madla ang 2,000 sagisag kultura—sa
anyong lumilibot na eksibit at ipinamahaging mga compact disc—at dahil sa mga bagong saliksik at pangyayari ay may
mga nabawas at nadagdag sa kabuuang lawas. Mas marami ang nadagdag kayâ 2,015
ang nilalaman ng kasalukuyang edisyong nakaaklat.
Upang higit na magaang buklatin at gamitin, ang aklat ay hinati sa tatlong (3)
tomo at naglalaman ng sumusunod na mga pangkat ng sagisag kultura: (1)
“Kasaysayan at Bayani”—mga tao, pook, at pangyayari sa kasaysayan, (2)
“Kalikásan at Kaligiran”—heolohiya, heograpiya, mga hayop, at mga halaman, at
(3) “Kultura at Edukasyon”—mga kasangkapan at bagay-bagay na pangkultura.
Ang bawat sagisag kultura ay
pinilì sang-ayon sa kabuluhan nitó sa nararapat na edukasyon ng mga Filipino.
Kinakatawan nitó ang mahalagang katangian, kasaysayan, kaugalian, at kulay ng
kalinangang Filipino samantalang isinasaalang-alang ang kontribusyon ng bawat
pook at pulô, bawat pangkating katutubo, at bawat paniwala tungo sa pagbuo ng
kapaki-pakinabang na kamalayang pambansa. Isang paraan din ito ng pagpapaunlad
sa nilalamán (content) ng edukasyon
at maaaring gamitin sa pagbago ng mga teksbuk, maging patnubay sa pagdevelop ng
kurikulum, at maging aktuwal na pantulong sa mga leksiyon sa silid-aralan ng
alinmang antas at alinmang asignatura. Sa kabuuan, nilalayon ng proyektong Sagisag Kultura na mapalusog ang kaalaman ng bawat Filipino hinggil sa
kaniyang sarili, na sa wakas, ay inaasahang magpapataas sa kaniyang dangal
bilang Filipino at magpapatingkad sa kaniyang pag-ibig sa bayan.
Unang edisyon lámang ito. Sa
kabilâ ng mga paghihigpit sa saliksik, pagsulat, at editing, naniniwala kami na
malaki ang puwang para sa rebisyon, dagdag na impormasyon, at pagpapayaman sa
mga pambansang sagisag kultura. Inaaanyayahan ang mga guro, mananaliksik, at
awtoridad para magbigay ng puná at makilahok sa pagsinop at pagpapalaganap ng
proyektong ito. Ang mga guro mismo ay maaaring lumahok at magdagdag ng kanilang
saliksik kapag ginamit ang impormasyon mula sa proyektong ito upang higit na
makinabang ang mga estudyante. Iminumungkahi din ang pagbása sa buong
koleksiyon bago gamitin upang higit na malinawan ang ugnayan sa isa’t isa at
ang pambansang kabuluhan ng mga sagisag kultura. (VSA)